Ako ay bulaklak ng Santang tumubo
mula sa sangang nakaugat sa hukay
Sa lupang pinataba ng ‘di mabilang na kamatayan,
ako ay nabubuhay
Ako ay nabubuhay sa agos ng dugong
kahalo ng nasipsip na tubig
Ang dugo’y namalagi sa mga talulot kong sawi,
doo’y nanatili at ‘di na mapawi
Sa aking pagtayo sa mga gilid ng daanan,
ako’y nagmamasid sa sangkatauhan
Ang kanilang buhay, ‘di tulad ng akin,
puno ng kasiyahan at kalayaan
Kalayaang magtungo sa kung saan man,
walang hahadlang kahit sinuman
Kalayaang aking ninanais kamtan,
kanilang natatamasa sa kabila ng karungisan
Ang mga mumunting talulot ko’y unti-unting pinatutuyo
ng nagliliyab na araw
Habang ang tao’y nagpapakasasa
sa yamang umaapaw at nakasisilaw
Ako’y mananatili sa lupa, titingala sa langit,
maghihintay ng luha
Ako’y aasang sa apoy, kailanma’y hindi malalapit
nang hindi madarang
Ngunit ang aking katawa’y patuloy ang pagkatuyo
at pagkapanglaw
Tanging liwanag na lamang ang sa’kiy naididilig,
ang lupa’y natitigang
Liwanag din ng araw ang nagkukubli
sa lambot ng aking tangkay
Ang tangkay ay mapuputol
at masisira ng mga inosenteng kamay
Kamay ang hihila’t lalasap
sa tamis ng tubig ng aking buhay
Ma. Crystabelle Beraquit
No comments:
Post a Comment